Monday, April 5, 2010

ang nakaraan.

muli ko itong nakita sa aking lumang files at napangiti ako habang binabasa ito, sana kaw rin, hehhehe
-----------------------------------------------------------------------------

Ang Aking Unang Penis Ring


Malilim ngunit mainit na hapon ang sumalubong sa amin sa Quiapo. Pinagpapawisan at nanlalagkit ang aming pagod na mga katawan dulot ng usok ng mga sasakyan ng Maynila. Unang punta ko noon sa Quiapo na namasahe lamang at kasama ang aking mga kaibigan, kadalasan kasi ay pumupunta kami doon na may dalang sasakyan kasama ang aking Lola upang magsimba sa sikat na Quiapo Church.


Bumaba kami noon sa tapat ng simbahan, at doon sinimulan ang paghahanap ng aming sadya sa Quiapo----ang Penis Ring. Naglibut-libot kami sa paligid ng simbahan upang maghanap, pumunta kami sa ilalim ng tulay upang maghanap ngunit ang tanging nakita namin ay mga produktong yaring-kamay. Ilang minuto rin kaming naglibot. Hindi kami nagpahalata na may hinahanap ngunit sadya kaming nilapitan ng mga matatanda at inaalok kami ng pamparegla, `anu naman ang gagawin ko sa pamparegla?!` tanong ko sa aking sarili, maya-maya pa ay matandang lalaki naman ang lumapit sa akin, nabuhayan ako ng loob sa pag-aakalang aalukin ako ng aking hinahanap, ngunit laking pagkadismaya ko nang anting-anting ang inalok sa akin.


Matagal-tagal na rin kaming naglalakad, at unti-unti na kaming napapagod, kaya pumasok na sa aming isipan na magtanong bagama`t nakakahiya. Nagtanung kami sa isang matandang babae na nagtitinda ng pamparegla kung may alam ba siya kung saan kami makakabili ng Penis Ring, napangiti lamang siya at sinabing hindi niya alam kung ano yaon. Aking inilarawan ito at lalong lumaki ang ngiti sa kanyang mukha at sinabing hindi niya alam kung saan iyon mabibili. Nahihiya kaming nagpasalamat sa matanda at umalis upang ipagpatuloy ang aming paghahanap.


Nagtanung ulit kami sa ibang tao, sa pagkakataong ito ay lalaki na ang aming pinagtanungan. Nang kami ay nagtanong sa kanya ay agad niyang itinuro ang overpass, doon daw maraming nagbebenta ng Penis Ring o kilala rin sa tawag na Sex Ring. Nabuhayan ang aming loob, dali-dali kaming nagpasalamat sa kanya at umalis upang puntahan ang kanyang tinurong lugar. Sa aming pag-alis ay may ngiti akong nakita sa mukha ng lalaki na tila ba nanunukso.


Sa bungad pa lamang ng hagdan ng overpass ay bumulaga na sa amin ang mga karatula ng mga nagtitinda ng mga Sex Ring. Nakahilera sila sa gitna ng overpass, tinahak namin ang overpass at palingun-lingon at hindi malaman kung saan bibili sa dami ng nagtitinda, hindi lang penis ring na iba`t ibang kulay, hugis at laki ang aming nakita, marami din kaming nakita na kagamitan na magbibigay ng ibang karanasan sa pakikipagtalik, tulad ng tinatawag nilang penis extension, na para daw sa mga hindi pinagpala, mayroon ding mga vibrator at marami pang iba.


Sa pagbubusisi namin sa mga kagamitang ito ay aking napansin na nakatitig ang mga taong dumaraan, lalo na ang mga babae. Matapos namin tumingin-tingin sa mga produktong ito ay napagpasyahan na namin na bilhin ang aming sadya. Pumunta kami sa dulo ng overpass, upang doon bumili ng Penis Ring. Madami rin akong nakita na iba`t ibang klase nito, may gawa sa goma at may gawa rin naman sa pilik-mata ng kambing.


Habang kami ay namimili kung anung uri ang aming bibilhin ay aking pinagmamasdan ang reaksyon sa mukha ng matanda, at sa aking pag-susuri mukha naman wala lang sa kanya ang aking pagbili at tila ba suki na niya ako. Ang kapansin-pansin ay ang mga reaksyon ng babaeng katabi kong bumibili ng pang-ipit sa buhok. Makikita mu sa kanyang mukha ang pagtataka at may bakas rin ng pandidiri. Para bang sinsabi niya sa kayang sarili na,”Yuck! Anu ba `tong lalaking ‘to?! Kadiri!”


Matapos naming bumili ay aking tinanong ang matandang babae na nagbenta sa akin, kung marami rin bang bumibili ng Penis Ring, marami naman daw ayon sa kanya at may mga babae ring bumibili nito. Matapos marinig ang kanyang sinabi ay nagpaalam na kami at bumaba na sa overpass upang umuwi.


Matapos kong kainin ang aking hiya sa Quiapo upang bumili ng Penis Ring, masasabi natin na mulat na ang ilang mga tao, lalo na sa mga lugar na katulad nito. Ngunit talagang hindi pa natin masasabi na ganap na handa na tayo na tumanggap ng ganitong kaisipan. Lalo na dahil ang Pilipinas ay isang Katolikong bansa at kilalang sumusunod sa etika at isang konserbatibong bansa. Dahil kung talagang liberal na tayo ay hindi lang sa mga tagong lugar at mga bangketa natin makikitang ibinibenta ang mga ganitong bagay kundi pati na rin sa mga kilalang lugar tulad ng SM at iba pang mga mall sa ating bansa.


Ang isa sa mga hindi ko maintindihan sa atin ay kung bakit pa kailangang tingnan ng masama ang mga taong bumili ng mga ganoong kagamitan, wala silang pakialam kung gusto ng isang tao na bumili noon. Marahil ay talagang sarado lang talaga ang kanilang pag-iisip o nagpapakalinis ng tingin nila sa kanilang sarili at tingin nila sa mga taong bumibili ng ganoon ay malilibog. Huwag nila akong lokohin, sigurado ako na kahit papaano ay may pagnanasa rin sila sa ibang tao maging sa kabila o kaparehong kasarian at dahil doon malibog din sila kaya hindi dapat nila tingnan ng masama ang mga taong malawak lamang ang pag-iisip sa mga ganitong isyu.


Bakit hindi na lang nilang buksan ang kanilang isip, at bumili ng una nilang Penis Ring.


----------------------------------------------------------------------------


4 comments:

trisha said...

hahaha.. nice writing style.. likeit. =D

terush said...

asan na comment ko?? grr... basta i love your writing style sa article na to.. heehee..

Lance said...

Pumunta rin kami sa Quiapo para sa isang munting proyekto para sa klase. Samu't saring . . . bagay nga ang makikita roon. At may mga tao talagang tumatangkilik.

Anonymous said...

I'm curious about the price of penis ring and vibrator.

Post a Comment

 

Copyright 2009 ikatlong kanto. Powered by Blogger